Pagkilala sa baybayin
Dapat pag-aralan ang baybayin na may pagtingin at pagrespeto sa kulturang pinaguugatan nito.
Siguro nagtataka din kayo kung bakit bigla nalang tayo ulit nakakita sa social media ng skriptong baybayin. Kapansin-pansin ang pag viral ng mga larawang gumagamit ng pansilabikong sistema ng panunulat na ito at ang katumbas na pagsalin sa Filipino o Ingles. Pero madalas ang mga salitang kabilang dito ay isang uri ng hugot o kaya naman pagmumura. Nakakakita rin tayo ng mga posts ng mga taong nagbebenta ng T-shirt kung saan nakaimprenta ang iba’t ibang salitang nakasalin sa baybayin. At siyempre, di mawawala ang mga tattoo na nasa skriptong baybayin. Pati narin ang baybayin sa pagkalahatang teksto ay ginagamit narin na parang meme, kagaya nalamang ng mga tweet na nagsasabing “*cries in baybayin*.”
Ang mga ito ay halimbawa kung paano bumalik ang baybayin sa ating kamalayan dahil sa social
media. Pero hindi natin maiwasang kilatisin ang muling pagpansin sa skriptong halos nakalimutan na ng nakararami sa atin, pati narin ang layunin sa muling tangka ng marami sa pagkilala rito. Kasabay ng mga viral posts ang mga nagkalat na threads na sumusubok magbigay ng paliwanag sa mga teknikalidad ng paggamit, paglilinaw sa kasaysayan at kultura, at pati narin ang pagkabahala sa konteksto kung saan ginagamit ang baybayin ngayon. Ika nga ni @immanuellakant sa Twitter, kapansin-pansin ang paggamit sa baybayin sa isang
“Instagram culture” na may inklinasiyong tanggalin ang baybayin sa kultural na konteksto at gamitin bilang “aesthetic artifact” lamang.
Masasabing malaki ang naibahagi ng nagkalat na post tungkol sa Baybayin Keyboard app na ginagawang posible ang pagkikipag-usap sa baybayin gamit ang ating mga
smart phone. Maraming nagkainteres sa sistema ng panunulat na ito dahil sa hindi pangkaraniwang guhit ng titik at sa dali kung paano ito maaring magamit ngayon. Pero kung ipagpapatuloy ang pagbalik tingin sa Twitter
timeline ng kamakailang muling pag sikat ng baybayin, makikitang ring nasiklab ang interes noong idineklara ng Department of Education ang pagtuturo ng wikang Koreano bilang isang
Special Program in Foreign Languages (SPFL) sa piling paaralan. Kabilang dito ang pagtuturo ng Hangul, ang alpabetong Koreano. Marami ang nagbibigay ng kanilang opinyon sa social
media at nagsasabing sa halip na pag-aralan ang isang banyagang wika, bakit hindi nalang ituro ang mga kagaya ng baybayin na mas malapit sa ating kultura?
Tunay ngang marami pa tayong dapat alamin at linawin tungkol sa baybayin kagaya na lamang kung bakit hindi dapat itong tawaging alibata. May iba’t ibang paliwanag kung bakit ito nawala sa ating kamalayan, at may iba ring mga pagsasalaysay ng pag-aangkop ng baybayin sa iba’t ibang linguwistikang katutubong grupo. Tunay nga na isa itong skriptong mayaman sa kasaysayan at pananarinari na katangi-tangi at nararapat na kilalanin at ibahagi. Hindi man kasing dami ang mga pagkukunan ng kaalaman tungkol sa baybayin, pero ang mga ito ay maaaring mahanap at mayroon ding mag tao na patuloy ang pananaliksik sa baybayin kahit bago pa ito muling sumikat sa social media.
Pero ang kinakailangang diskusyon ay hindi kung alin ang mas karapatdapat na kilalalin, kundi ang pamamaraan ng pagkilala natin. Napakalaking tulong ng mga modernong pamamaraan ng pagkomunyon tulad ng mga
app at mga font sa muling pagbalik ng baybayin sa ating kamalayan. Pero kasabay nito ang panganib ng over
simplification at, sa huli, pagkakamali ng paggamit at pag-unawa.
Walang masama sa kagustuhang mag-aral ng iba’t ibang pamamaraan ng pagsulat at pagsalit. Ano nga ba ang mga kaalamang ito kung hindi gagamitin at ibabahagi? Pero kung dalisay ang interes sa pagkilala sa mga ito gaya ng baybayin, dapat pag-aralan ang mga ito hindi lamang sa pangkasalukuyang konteksto. Nararapat na may pagtingin at pagrespeto sa kulturang pinag-uugatan rin nito.
Ang terminong baybayin ay nag-uugat sa salitang baybáy na nangangahulugan ng pagtukoy sa bawat titik ng isang salita. Marahil ay maaari natin itong tignan bilang isang paalala na ang bawat bahagi ay may ginagampanang papel sa pagbuo ng pangkalahatan at kaya kinakailangang bigyan halaga ang mga ito.
Ika nga ng makata na si Juan Miguel Severo, “Tandaang ang tunay na nagmamahal ay di lang gumagamit, kumikilala rin.”